Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon Siya sa bundok. Naupo Siya roon at lumapit sa Kanya ang Kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga dimarahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
“Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.”
Pagninilay
Araw para sa lahat ng mga Banal. Sino sila? Ang mga taong nagtiyaga sa pagsunod sa Panginoon, naging tapat, nilabanan ang mga tukso at nagtagumpay, at nanatili sa pag-ibig ng Diyos hanggang sa kamatayan. Ang ilan sa kanila ay pinarangalan at tinaas sa dambana ng altar, habang ang iba ay Diyos lang ang nakakaalam. Maaaring sila ang mga mahal natin sa buhay, ang pinakamatalik nating kaibigan, o tayo mismo na nananatili sa pagpapala na pinangaral ni Kristo sa ebanghelyo, ang mga nagugutom at nauuhaw, nagdadalamhati, pinagkaitan ng hustisya, nagsusumikap para sa kapayapaan, atbp. Sila na nabuhay ayon sa kaloban ni Jesus.
Dahil sa ating binyag, tayo ay naging banal. Sa tuwing nagkakasala tayo, may isang lunas na inaalok ng simbahan upang matubos sa ating mga kasalanan. Maaari tayong mamuhay sa pagibig sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa ating kapwa. Nawa’y magkita-kita tayo sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021