Ebanghelyo: Lucas 12:8-12
Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos.
Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga sinagoga at mga namumuno at mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”
Pagninilay
Isang araw, naglalakbay ako sa isang pampasaherong Jeep mula sa aming pinaka-abalang misyon sa Basilan hanggang sa Lungsod ng Lamitan. Kahit na mga 30 kms. ang layo ngunit tumatagal ang biyahe ng dalawang oras. Karamihan sa mga pasahero ay ang ating mga kapatid na Muslim. Hindi pa uso noon ang celphone at upang libangin ang aking sarili, hinila ko ang aking rosaryo at nanalangin ng tahimik. Sa hindi inaasahang pagkakataon may nakakilala pa sa akin at nagwika, “mas mabuti at nagdarasal ka kapatid para sa ating ligtas na paglalakbay.” Napangiti na lang ako at nagpatuloy sa aking pagdarasal. Masasabi ko na ito ay inspirasyon ng Espiritu Santo na maipahayag ko ang aking pananampalataya. Hindi ako nahihiya sa katotohanan na ako ay isang misyonero. Huwag matakot na tumayo at patunayan na ikaw ay isang Kristiyano, nariyan ang Banal na Espiritu na laging nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat. Hindi lamang ipinangako ni Jesus na patuloy siyang nariyan sa buhay ng kanyang mga tapat, ngunit ipinangako rin niya ang tulong at inspirasyon ng Banal na Espiritu, lalo na sa mga oras ng pangangailangan. Makapagpapagaan ba ng ating pakiramdam na malaman na sa panahon ng kagipitan nariyan ang tulong ng Banal na Espiritu?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021