Ebanghelyo: Lucas 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan Siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok Siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna Siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa Kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali ninyong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero naguumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob! Mga hangal! Di ba’t ang maygawa ng labas ang Siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala ninyo’y malinis na ang lahat.
Pagninilay
Isang pari ang nangailangan ng pera upang ayusin ang kanyang kumbento. May isang mayaman na lumapit sa kanya upang magbigay sana ng bahay na kanyang matitirhan Ngunit batid ng pari kung saan nanggagaling ang pera, kaya hindi niya ito tinanggap. Para sa mayaman, ang lahat ay malilinis sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng limos sa simbahan. Nais ni Jesus ang kalinisan ng ating buhay, maging ng ating kalooban at panlabas na anyo. Hindi kailan man matatakpan ng malinis na panlabas na anyo ang ating mga kasalanan na nagmumula sa ating kalooban, na mula sa ating puso. Ang mensahe ni Jesus ay patungkol sa tunay na kadalisayan ng tao na nagmumula sa ating kalooban at dumadaloy sa ating buong katawan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021