Ebanghelyo: Lucas 8:4-15
Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga:
“Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga nang tigiisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.”
At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa.
Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.
Pagninilay
Kung ating susuriin ang talinghaga sa panahon ngayon, ating maituturing na hindi siya mahusay na magsasaka. Ngunit ang ebanghelyo ay hindi tungkol sa pagsasaka ngunit patungkol ito kung paano natin tinatangap ang salita ng Diyos sa ating buhay. Anong klaseng lupa ba tayo? Tayo ba ay nasa tabing daan, mabato, matinik na damuhan o sa matabang lupa? Tayo ay araw-araw na inanyayahan ng ating Panginoon na makinig sa kanyang salita at hindi lamang ipagsawalang bahala ang ating narinig kundi dapat natin itong isipin, isa-puso at dapat din ipamamalas sa ating gawa, lalo na sa ating tunay na paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa tao. Ano kaya ang mabuting balita ng Panginoon para sa iyo sa araw na ito? Pakingan mo ito kapatid.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021