Ebanghelyo: Juan 3:13-17
Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Pagninilay
Nariyan ang krus ng ating mga simbahan at kapilya gayun din kapag may mga libing at burol. Ito ay hindi lamang isang palamuti ngunit isang simbolo ng ating kaligtasan at ating pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano. Ang Krus ay nagpapaalala sa atin ng dakilang pag-ibig ng Diyos Ama sa ating lahat na hindi niya pinagkait ang Kanyang nag-iisang anak upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggang. Kung minsan ito ay simbolo ng kamatayan, ang pagkamatay ni Kristo na ipinako sa krus at ang kanyang muling pagkabuhay, ang krus ay naging mapagkukunan ng kaligtasan at buhay. Sa tuwing nakikita natin ang krus sa ating mga simbahan, kapilya at libingan, maaari itong dalhin upang maipakita ang kadakilaan ng pagibig ng Diyos sa atin at nawa’y lagi tayong magpapasalamat sa kaligtasan na ating matatangap na bunga ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesucristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021