Ebanghelyo: Mateo 19:3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?”
Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.”
Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pagaasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Ang lahat ng ginawa ng Diyos ay nag-uugat sa pag ibig. Kung ito parati ang ating iisipin, mas lalo nating mauunawaan ang kanyang mga Utos. Ang permanenteng pagiging-isa ang nilalayon ng Diyos para sa mga mag-asawa na ito ay nakaangkla sa tipanan ng Diyos at ng kanyang mga anak. Kung pag-ibig ang nag iisang motibo sa pagpapakasal ng babae at lalaki, malaki ang posibilidad na mapagtagumpayan nila ang kanilang samahan maging anong unos man ang darating sa kanilang buhay. Ngunit kung ang pag-aasawa ay pawang huwad o dala lamang ng pagkakataon at pangangailangan, napalaki rin ng tsansang ito’y bumagsak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021