Ebanghelyo: Marcos 9:2-10
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sa-sabihin.
At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila.
At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
Kapag tayo ay nasa isang napakagandang lugar, may pakiramdam tayo na ayaw na nating lisanin ang pook na iyon at doon na lamang tayo mamalagi. Kung maaari lamang ay huwag nang matapos ang araw na iyon lalo na kung sa ating pagbalik sa ating orihinal na lugar ay puno ito ng problema at tiisin sa buhay. Sa kapiyestahang ito ng pagbabagong- anyo ng Panginoong Jesucristo, ipinapaalala sa atin na walang “shortcut” sa ating paglalakbay bilang mga Kristiyano. Kailangan nating harapin ang hamon at riyalidad ng buhay. Mabibigyang halaga natin ang tagumpay kung tayo ay dumaan sa isang prosesong hindi madali. Masarap makadinig ng kwento ng mga taong narating ang rurok ng tagumpay dahil sa kanilang sakripisyo at pagsisikap na makaahon. Ito rin ang basehan ng ating pagsunod sa Diyos, nandiyan ang premyo ngunit kailangan natin itong pagtrabahuhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021