Ebanghelyo: Mateo 13:24-30
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.
Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’
Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
Pagninilay
“There are two sides of the coin.” Sa ating pagkatao, may mga kabutihan at kahinaan tayong taglay. Ang isang barya ay mayroon ding dalawang bahagi ngunit iisa lamang ito. Sa atin ding buhay sa mundong ito, marami sa atin ang may mga kahinaan. Kadalasan, ang ating reaksyon dito ay ang pagtanggi at pagtatago. Hindi naman natin masisisi ang ating sarili sapagkat tayo ay pinupuri lamang sa ating kagalingan, kagandahan, at kabutihan. Ngunit ang paanyaya sa atin ay yakapin natin ang ating kalakasan at kahinaan. Hindi ibig sabihin na tayo ay mahina, hindi na tayo nararapat sa kaharian ng Diyos. Ang unang hakbang ay ang pagtanggap. Tanggapin natin na may mga bahagi tayo ng ating pagkatao na dapat nating ayusin. Ito marahil ay ang mga mapanirang “damo” sa ating taniman, na minsan ay mas nangingibabaw kaysa sa ating mga masaganang “trigo”. Sa ating pagtanggap at pagbabago, manahan nawa ang awa at habag ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021