Ebanghelyo: Mateo 8:18-22
Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”
Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.”
Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Pagninilay
Marami sa mga kabataan ang umiidolo sa mga artista, “vloggers”, o mga grupong dayuhan. Sinusundan nila ang mga ito sa social media, youtube o sa kanilang mga “live performaces”. May iba pa na ginagaya nila ang pananalita, ang pananamit o paraan ng kanilang pag-indak. Ngunit ang tanong: Nakikilala ba nilang talaga ang kanilang mga iniidolo? Para makilala natin nang lubusan ang isang tao, kinakailangang maglaan tayo ng sapat na panahon na makasalumuha siya mga ordinaryong panahon. Sa ating espirituwal na buhay at pananampalataya, kilala ba nating tunay si Jesucristo? Ilan sa atin ang sumusunod sa kanya gamit ang ating mga “gadgets” at mga makabagong teknolohiya? Makikilala lamang natin si Jesus nang lubusan kung magkakaroon lagi tayo ng personal na ingkwentro sa kanya sa pamamagitan ng kanyang Salita, sa ating buhay panalangin, sa ating kapwa at sa mga pangyayari sa ating lipunan. At dahil dito, hindi
tayong mag-aatubiling tumugon sa kanyang paanyaya at imbitasyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021