Ebanghelyo: Marcos 12:38-44
Kaya sinabi niya sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.”
Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. Mara-ming mayamang nagbigay ng malalaking halaga. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya.
Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.”
Pagninilay
Hindi maikakaila na may mga taong hindi makatutulong sa kapwa nang hindi tahimik. Nandyan lagi ang kamera o bidyo na humahabol sa kanila sa bawat tulong na kanilang ibinibigay. Ang iba ay naka uniporme pa para tumatak sila sa isip ng iba. Meron ding ilan na tumutulong at nagbibgay ng malalaking donasyon ngunit kinakailangan laging banggitin ang kanilang pangalan. Ngunit ang tanong, may kaakibat bang sakripisyo ang kanilang tulong o ito ay labis lamang nila na hindi karamdamramdam ang kirot? Ang babae sa ebanghelyo ang huwaran ng totoong tumutulong at nagbibigay isang tahimik, mababa ang loob, at kahit na maliit ang bigay ay may kasamang sakripisyo dahil ito na mismo ang kanyang ikinabubuhay. Maaaring mabango tayo sa mga mata ng tao pero labas lamang ang kanilang nakikita. Ngunit and Diyos ay puso natin ang kanyang nakikita kung ano ang nilalaman nito. Kaysarap tumulong sa kapwa ng palihim! Maaaring hindi makikita ito ng tao ngunit klarong-klaro sa paningin ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021