Ebanghelyo: Marcos 11:27-33
Muli silang dumating sa Jerusalem at paglakad niya sa Templo, nilapitan siya ng mga punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at tinanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?”
Sinabi naman ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.”
At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At paano naman natin masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan? ” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay
Mula noong nanungkulan ang ating Papa Francisco ay maraming nabago sa Vaticano lalo na sa usapin ng “protocols”. Marami ang sumang-ayon sa kanyang mga hakbangin ngunit may mga ilan din siyang natanggap na batikos. Ngunit hindi niya alintana ang mga puna dahil alam niyang sumusunod lamang siya sa kalooban ng Diyos. Ang mga eskriba, mga pari, at mga nakatatanda sa panahon ni Jesus ay takot lumabas sa ating tinatawag na “comfort zone” kaya naman hindi sila umunlad at nanatiling sarado ang kanilang mga isipan sa pagkilala sa Panginoong Jesus. Ganoon din tayo minsan, dahil ayaw nating magkamali o makatanggap ng mga hindi magandang komento, nananatili tayong tahimik o walang ginagawa. Sa ganoong pag-uugali ay walang puwang para sa ating paglago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021