Ebanghelyo: Marcos 10:32-45
Sa paglakad nila paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.”
Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?” Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.”
Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Sa ating karanasan maging sa simbahan, pulitika, o pangkabuhayan ay hindi maalis-alis ang isyu ng palakasan. Kapag ang isang tao ay nasa kapangyarihan ay umasa tayong dadagsa ang kanyang mga kaibigan. Kaya minsan ating naitatanong: ano nga ba ang totoong dahilan sa likod ng ating paglilingkod? Ganito rin ang karanasan ni Jesus sa kanyang mga disipulo. Dahil sa sila ay mga alipin at inaasahan nilang si Kristo ang hinihintay na Hari at Mesiyas, gusto rin nilang makibahagi sa paghaharing iyon ni Jesus bagama’t hindi nila ito nauunawaan. Napakaganda at kaaya-aya ang magiging buhay natin kung sa kasalukuyan ay matututo tayong maglingkod nang may kababaang-loob at hindi naghihintay ng kapalit katulad ng ating Panginoong Jesucristo – ang Lingkod ng mga lingkod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021