Ebanghelyo: Juan 15:9-17
Kung paano ako minahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal.
Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan.
Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n‘yo sa Ama sa pangalan ko.
Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
Pagninilay
Alam natin ang sakit at hirap na dinaranas ng isang nanganganak na ina. Ngunit sa kabila noon ay lubos na ligaya ang nararamdaman niya sa pagkadinig ng iyak at unang silay sa kanyang anak. Ang dinaranas na sakit ng simbahan ay maihahalintulad sa karanasan ng isang ina. Kaya hindi dapat tayo mabahala kung sa kasalukuyang panahon ay nakakaranas ng mga pasakit ang ating komunidad at simbahan. Kinakailangan nating mangarap bilang Simbahan ayon sa kalooban ng Diyos. At para maisakatuparan ang mga ito, handa dapat tayong magtrabaho at mag sakripisyo nang sa gayo’y sa huli ay matamo natin ang kaligayahang ating inaasam. Masarap lasapin ang tagumpay kung itoy atin talagang pinagsikapan at pinagtrabahuhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021