Ebanghelyo: Juan 15:12-17
“Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa Kanyang mga kaibigan.
“Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng Kanyang panginoon.
“Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.
“Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. “Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.”
Pagninilay
Kadalasan ay naiuugnay natin ang konsepto ng pagmamahal sa atraksyon, pakiramdam o emosyon. Ngunit ang pakahulugan ni Jesus dito ay ang paglabas sa sarili upang makita ang kondisyon ng ating kapwa, ang pagaalay ng buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras at panahon sa mga taong hindi pinapansin ng lipunan, at ang pagpapatawad sa pagkakamali ng ibang tao sa atin. Ipinakita ito ni Jesus sa mismong buhay niya at namalas ito ng kanyang mga disipulo at mga taong nakapalibot sa kanya. Kaya naman kung tayo’y tunay na tagasunod ng ating Panginoong Jesucristo, nararapat lamang na ang buhay niya ang basehan ng pamamaraan ng pagmamahalan natin sa isat-isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021