Ebanghelyo: Juan 15:9-11
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa Kanyang pagmamahal.
Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan.
Pagninilay
Kung ang mga magulang ay walang hinahangad kundi ang kabutihan ng kanilang mga anak, ano pa kaya ang Diyos sa atin? Mayroong paraan ng pagdidisiplina at patakaran ang mga magulang na ipinapatupad sa kanilang mga anak upang maging maayos ang kanilang pamumuhay sa hinaharap. Si Jesus ay kinikilala sa Bagong Tipan bilang bagong Moises. Matatandaan na si Moises ay nagpahayag sa Matandang Tipan ng kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa ebanghelyong ito ay nag-iwan si Jesus ng napaka importanteng utos – ang pag-ibig. Para kay Jesus, ang tumatalima sa utos na ito ay makakaranas ng nag-uumapaw na kaligayahan. Nagiging makabuluhan ang kanyang buhay dahil ito ay nakaugat sa buhay ng Panginoong Jesucristo. Ang tao na nabubuhay at umiiral nang dahil sa pag ibig ay gumaganap sa kanyang misyon bilang isang anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021