Ebanghelyo: Juan 4:43-54
Pagkatapos ng dalawang araw, umalis siya roon pa- Galilea. Nagpatunay nga mismo si Jesus na hindi pinararangalan ang propeta sa sariling bayan. Gayon paman, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin sila mismo sa Piyesta.
Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan.
Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya.
At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan.
Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.
Pagninilay
Madalas sa mga pagpapagaling ni Jesus ay may personal na pakikipagtagpo sa kanya ang maysakit. Hinihipo niya ang maysakit o di kaya’y sinasabihan na magaling na ito. Ngunit sa kaso ng opisyal na humiling na pagalingin ang kanyang anak, tanging salita lamang ni Jesus ang kanyang pinanghawakan at pinanampalatayaan. Lumusong siya pabalik sa kanila na walang kasiguruhan kung gagaling ang kanyang anak. Ni hindi nga ito nakita ni Jesus. Ngunit ang kanyang salita’y sapat na. Tayo rin, sa ating mga dasal, ay may mga kahilingang walang kasiguruhan kung diringgin. Ngunit gaya sa ebanghelyo, nawa’y palalimin natin ang pananampalataya natin upang lubusang manalig sa mga salita ni Jesus. Panghawakan natin ang Salita ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021