Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalangbisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Dahil sa iilan lamang ang dumadalo sa youth bible sharing sa lugar nila, iminungkahi ng isa sa mga lider na huwag na lamang tawaging bible sharing dahil hindi ito nakakaakit sa pandinig ng mga kabataan. Walang datíng at parang espiritwal lamang. Ganun na lamang siguro ang naging impresyon ng gawaing ito dahil pawang pag-aaral lamang ng salita o teksto ng Banal na Kasulatan ang nakikita nilang ginagawa. Subalit ang Salita ay buháy, ang Salita ay gumagalaw sa ating buhay at ang bawat buhay natin ay kuwento ng ating relasyon sa Diyos. Hindi kaya ang dahilan kung bakit hindi naaakit ang mga kabataan sa lugar na iyon ay ang kakulangan ng pagsasagawa o pagsasabuhay ng salita?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021