Ebanghelyo: Lucas 15:1-3, 11-32*
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. (…)
Noon siya natauhan at nag-isip: ‘(…) Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang.
(…) Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’
Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.
Pagninilay
Hangga’t hindi nagiging sukatan ang awa at habag ng Panginoon, mananatiling hindi katanggap-tanggap ang mga taong makasalanan at itinuturing na salot at walang kwenta sa lipunan. Hangga’t hindi natatanto kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos, mananatiling walang kapatawaran ang mga taong nakagawa ng kasalanan. Ilang tao na ba ang pinagkaitan natin ng pagkakataong magbalik-loob at muling tanggapin at pagkatiwalaan? Lahat ay may pagkakataon sa mata at puso ng Panginoon. Lahat ng “natauhan” at “nagsisisi” ay handa niyang hintayin at muling yakapin. At kung sa palagay nating ito’y hindi makatarungan, muli tayong paaalalahanan na “dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay ang ating kapatid at nabuhay, nawala at natagpuan.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021