Ebanghelyo: Marcos 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.
Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntunghininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya naka-pagsalita siya nang tuwid.
Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
Naghahatid ng labis na kagalakan sa isang magulang kapag kanyang narinig ang unang salita mula sa kanyang sanggol na anak o kaya’y ang pagtugon nito ng ngiti kung siya’y kinakausap. Ganun na lamang siguro ang lungkot kung mabatid na hindi ito makaririnig at makapagsasalita. Paano niya maipapahayag ang kanyang sarili? Paano niya maririnig ang mga salita ng pagmamahal at pag-aaruga? Nasa gitna man siya ng napakaraming tao, maaaring di siya napapansin at nabibigyang halaga. Hindi siya nadirinig. Hindi siya nadarama. Ito marahil ang isa sa dahilan sa unang ginawa ni Jesus sa kanya, ang ihiwalay sa mga tao. Bahagi marahil ito ng proseso ng pagpapagaling. Sa pagkakataong sila na lamang dalawa ni Jesus, o marahil kasama ang malalapit na tao, doon nagsimula ang pagpapagaling. Sa tuwing ihinihiwalay natin ang ating sarili upang makapiling si Jesus sa ating mga panalangin at pagninilay, doon nagsisimula ang paggaling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021