Ebanghelyo: Lucas 5:12-16
Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita Niya si Jesus, nagpatirapa Siya at nakiusap sa Kanya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.”Kaya iniunat ni Jesus ang Kanyang kamay at hinipo Siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki. Iniutos sa Kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka Niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na ini-utos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.”
Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa Kanya at pumunta sa Kanya ang maraming tao para makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumupunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.
Pagninilay
Daan upang maibalik muli sa komunidad ng may ketong ay ang malinis ito. Ito marahil ang tunay na nag-udyok kay Jesus na gustuhin ang kagalingan ng may ketong. Nananatili pa ring nakawalay ang maraming tao. May mga pamilya pa ring hindi kumpleto. May mga kapatid pa rin tayo sa ating Simbahan na nagaalangang makibahagi sa buhay- Simbahan. May mga nananatili pa ring nasa malayo at nasa laylayan. Minabuti ni Jesus na “iunat ang kanyang mga kamay at hipuin” ang mga taong katulad ng may ketong na ihinihiwalay ng lipunan. Ito ang hamon sa Simbahan, ang humayo at papanumbalikin ang mga nawawalay. Hangad ni Jesus, ang maging malinis ang may ketong at maging bahagi muli ng komunidad. Ito rin sana ang maging hangad nating mga bahagi ng Simbahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021