Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabangyaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagninilay
Batid ng biyuda kung ano ang buhay ng isang mahirap. Sa kabila ng kanyang kahirapan
ay nagawa pa niyang ibigay ang natatanging kayamanan niya sa Diyos. Isang simpleng pag-aalay na nakatawag pansin kay Jesus dahil sa kanyang buong pagtitiwala sa Diyos na hindi siya pababayaan. Ito’y isang paanyaya sa atin na bigyang pagpapahalaga ang anumang pagbabahagi,
gaano pa man ito kaliit at patuloy na pagtibayin pa ang ating pananampalataya sa Diyos. Nawa’y matutunan natin na maging mapagpakumbaba sa harap ng Diyos, upang tulungan tayong makita ang mga nagaganap sa ating paligid. Nang sa gayon, makilala’t mapasalamatan natin ang anumang maliliit na pagkilos ng pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020