Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulungbulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay
Sa talinghaga ng nawawalang tupa’t baryang pilak, binibigyang diin ang malaking kagalakan sa pagkakatagpo ng mga ito. Ito’y isang paraan ni Jesus upang ipahayag kung gaano kalaki ang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa maraming ibang matuwid na tao na hindi kailangang magsisi. Nakakamanghang isipin ang pastol na kayang iwanan ang 99 niyang mga tupa upang hanapin ang nawawalang isa. Ganito rin ang saloobin ng Diyos. Kapag nawawala tayo, hinahanap Niya tayo at ibinabalik sa tamang lugar. Hindi Siya sumusuko sa atin. Mahal Niya tayo at sa tuwing naliligaw ang ating landas, hahanapin Niya tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020