Ebanghelyo: Juan 10:11-18
Ako siyang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanya ang mga tupa, pag napansin niyang dumarating ang asong-gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kayat inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at pinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang pakialam sa mga tupa. Ako siyang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, kung paanong kilala ako ng Ama at kilala ko ang Ama. At itinayo ko ang aking buhay para sa mga tupa.” May iba akong mga tupa na di mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong akayin palabas, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan, iisang pastol. Kaya mahal ako ng Ama dahil itinataya ko ang aking buhay, at saka muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang kusang nagtataya nito. May kapangyarihan akong itayo ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”
Pagninilay
Si Jesus ay ang Butihing Pastol. Siya ang pastol na hindi iniiwan ang kanyang mga tupa ngunit iniaalay pa nga ito para kanilang kapakanan. Ang tinig niya ay kilala ng kanyang mga tupa, kaya sila ay hindi naliligaw at nawawala sa landas. Sa panahon ngayon, marami ang nagpapakilala na sila ang butihing pastol, na ang boses nila ay ang boses ng Diyos. Gayun pa man, hindi sila tunay na galing sa Diyos. Walang ibang sinugo ang Ama maliban kay Jesus. Siya lamang ang boses na maghahatid sa atin patungo sa Ama dahil siya ay Anak ng Diyos. Siya ay sinugo upang tayong lahat ay bumalik sa Ama. Walang pinipili ang Diyos, wala sa kung anong kultura, kulay ng balat at lahi meron tayo sapagkat lahat tayo ay iisa lang ang pinagmulan – Ang Diyos lamang. Kaya buksan natin ang puso upang ang tanging boses lamang ni Jesus ang ating mapapakinggan sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020