Ebanghelyo: Juan 10:1-10
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
Pagninilay
Tanging si Jesus lamang ang tunay na boses ng Diyos Ama. Nasa kanya ang matamis na mga pananalita ng Diyos. Sinumang nakikinig at sumusunod kay Jesus ay tiyak na magkakaroon ng biyayang makapagbibigay sa kanya ng kayaman – kayamanang ang Diyos lamang ang makapagkakaloob. Kilala ng mga tupa o ng mga sumusunod kay Jesus ang boses niya; hindi sila nalilinlang ng iba pang mga boses. Sa pamamagitan ni Jesus, sinumang kumikilala sa kanya bilang Anak ng Diyos ay makakamit ang kanyang ipinangakong kaligtasan. Ang ebanghelyo natin ngayon ay nagbababala sa atin na may mga nilalang na naghahangad na tayo ay ilayo sa Diyos Ama at sa boses ni Jesus. Ngunit kung tayo ay may matatag na pananampalataya, hindi tayo madadaig nang kahit ano at sino pa man na nagnanais na ilayo tayo kay Jesus. Ang tapat na alagad ay hindi mayayanig ng kahit anong pagsubok at tukso na dumaan sa kanyang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020