Ebanghelyo: Juan 3:13-17
Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Pagninilay
Ang simula ng kapistahan ng Pagtatampok sa banal na Krus ay natagpuan noong ika-4 na siglo nang nagpunta si Reyna Helena, ang ina ng Emperador Constantino, sa Jerusalem upang hanapin ang krus ni Jesus. Ayon sa tradisyon tinago ng mga Judio noon ang krus ni Jesus sa isang pook na malapit sa Golgota. Natagpuan ang krus at dinala sa Roma ng may kagalakan. Ipinako at itinaas si Jesus sa krus upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kaya sinugo ng Diyos ang kanyang Anak upang iligtas tayo at makabalik sa kanya. Ginawa ito ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang paghihirap at kamatayan. May krus din tayong pinapasan sa balikat. May mga paghihirap na dumarating sa buhay. Isang hindi halatang pagpapala ang krus sa buhay ng tao. Sa pamamagitan ng ating mga paghihirap at krus maaaring maganap ang tunay na pagbabago at mayakap natin ang kaligtasan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020