Ebanghelyo: Lucas 6:27-38
Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa
nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang
ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang
kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano
ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga
makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang
katumbas.
Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway;
gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang
inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang
malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil
butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama.
Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan;
huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo
susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin.
Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang
takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong
kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit
ninyo.”
Pagninilay
Ayon sa civil law pwede mong idemanda ang tumatrato sayo ng masama. Ayon sa right to self-defense pwede mong sampalin ang sumampal sayo. Ayon sa economics pwede mo lang pautangin ang maaaring maibalik sayo ng may tubo pa. Ayon sa common sense, iiwasan mo ang kaaway mo, tutulungan mo lang ang tumutulong sayo, at hindi mo basta ibibigay sa iba ang mga kagamitan mo, baka maubusan ka. It all makes sense. Ano ba kaya ang mga sinasabi ni Jesus ngayon? Nasaan ang logic? Mahirap maunawaan. Sa golden rule ni Jesus mauunawaan natin ang lahat ng ito: “gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo”, at sa paanyaya na maging maawain katulad ng Diyos Ama. Iba ang logic of the Gospel sa panukala ng mundo. Paanyaya na maging mahabagin, bukas-palad at mapagmahal. “Gagantimpalaan kayo nang malaki”, ang sabi ni Jesus. It makes more sense.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020