Ebanghelyo: Lucas 6:20-26
Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo! Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagninilay
Hindi ko pa naririnig na magsabi ang mahirap na: “mabuti na lang mahirap ako, dahil mapalad ako!;” o ang isang nagugutom: “ang suwerte ko naman, gutom na gutom ako, kaya mapalad ako!” Ayaw nating maging mahirap, magutom o umiyak; sa halip nagsusumikap tayong magkapera, mabusog at maging masaya. Pero nagbibigay liwanag si Jesus sa mga panahon ng kahirapan, kakulangan, kalungkutan o pagsubok. Sa mga hindi inaaasahang pangyayari, magtiwala ka sa Diyos at ang kanyang tulong lamang ang iyong hanapin; sa gayon, magiging mapalad ka. Sawimpalad ang taong gustong yumaman lamang, at laging masagana ang kanyang buhay. Kung ito lang kanyang hinahanap, wala ng lugar para sa Panginoon. Sawimpalad ang may puso na puro makamundong bagay ang laman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020