Ebanghelyo: Lucas 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok siya sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
Pagninilay
Kung alam ni Jesus na magagalit ang mga Pariseo pag magpapagaling Siya sa Araw ng Pamamahinga, bakit ba hindi na lang Niya sinabi sa lalaki: “hijo, bumalik ka na lang bukas at pagagalingin kita; magagalit kasi ang mga ito kung pagagalingin kita ngayon”. Pero pinasya ni Jesus na gawin ito sa araw ng Pamamahinga at sa harap ng mga Pariseo. Iniibig niya ang mga maysakit, kaya pinagaling Niya ang lalaking ito, pero nais din Niyang mabuksan ang saradong pag-iisip ng mga “taong-Templo”. Pagkakataon ito upang turuan sila na mas mahalaga pa sa batas, ang pag-ibig na nagbibigay kabuluhan sa batas; at higit sa lahat, ang pagmamalasakit sa kapwa. Pero sinayang lamang ng mga Pariseo ang pagkakataong ito at galit nilang pinag-uusapan ang paghihiganti. Tayo namang mga “taong-Simbahan”, bukas ba ang ating pag-iisip o madalas kritiko rin tayo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020