Ebanghelyo: Lucas 5:33-39
Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagninilay
Ang ayuno ay isang pangrelihiyosong gawain upang magsakripisyo at magdasal ng mabuti. Ang ayuno ay dapat makatulong sa panalangin; kung mag-aayuno ang isang tao ngunit mananatiling malupit sa kanyang kapwa, o mataas ang tingin sa sarili, malayo pa rin siya sa Diyos. Ang sukat ng pang espiritual na buhay ay ang mga salita na namumutawi sa ating bibig. Malayo sa katotohanan ang taong nag-iisip: “Ang bait-bait ko”, ngunit hilig niyang sirain ang kanyang kapwa o “nagbubuhat ng sarili niyang bangko”. Ang lumang alak na tinutukoy ni Jesus ay ang maling gawain na pangrelihiyoso, ito’y ang pag-aayuno kahit nananatiling malupit sa tao. Ang pagtuturo ni Jesus ay ang bagong alak na nilalagay sa bagong sisidlan; ito ay ang pagsamba sa Diyos habang nagpapakita ng awa at kagandahang-loob sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020