Ebanghelyo: Mateo 13:1-23
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!” Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?”
Pagninilay
Si Jesus mismo ang mapagmahal na maghahasik at isasama rin niya tayo sa kanyang gawain. Tayo rin ay maaaring maging tagapag-hasik; tayo ay sinusugo sa mundo upang dalhin ang binhi ng Salita ng Diyos. Ang maghahasik ay naghahagis ng buto kahit saan at umaasa na ito’y sisibol at magbubunga ng marami. Ang Salita ng Diyos ay para sa lahat ng tao at nais Niya na lahat ay maligtas. Sa unang pagbasa inihahalintulad ng Propeta ang Salita ng Diyos sa ulan o sa niyebe, na bumababa mula sa langit at hindi babalik sa itaas nang hindi nagbibigay buhay sa mga halaman. Ganyan ang Salita, ito ay hindi babalik sa langit nang hindi muna naisagawa ang dapat nitong gawin. Makinig tayo sa Salita at maglingkod sa ating kapwa, ito ang bunga na hinahanap ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020