Ebanghelyo: Lucas 7:18b-23
Tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon para sabihin sa kanya: “Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating ng mga taong iyon kay Jesus, sinabi nila: “Ipinasasabi sa iyo ni Juan Bautista: Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Nang mga sandali namang iyo’y marami siyang pinagaling sa mga sakit, mga karamdaman at masasamang espiritu, at binigyan niya ng paningin ang mga bulag. Kaya sumagot siya sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong nakita at narinig: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga ketongin at nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay, may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At napakapalad niyang hindi natitisod dahil sa akin.”
Pagninilay
Habang nasa kulungan si Juan Bautista, ang langis ng lampara ng kanyang pananampalataya’y unti unting nauubos. Marahil ay nakaranas siya ng pagdadalawang- isip sa kahalagahan ng kanyang misyon. May silbi nga ba ang lahat ng sakripisyo niya? Si Jesus ba ay patuloy pa niyang paniniwalaan? Tulad ni Juan, nakakaranas din tayo ng panghihina. Ang hangarin natin para sa isang mundong mapayapa at makatarungan ay natutugunan ng isang daigdig ng karahasan at kawalan ng katarungan. Nawa’y sa panahon ito ng Adbyento, muling magdilaab ang apoy ng ating lampara upang patuloy tayong lumakad sa landas ng buhay ng may panibagong pananampalataya’t pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020