Ebanghelyo: Mateo 14:22-33
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nagiisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag alinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!”
Pagninilay
Habang sinasalpok ng mga alon ang bangka sa gitna na mahangin na dagat, nakita nila ang Panginoon. Hindi nila agad napansin na ito si Jesus, nagduda nga sila, pero sa bandang huli sumamba sila kay Jesus nang nakita nila ang kanyang kapangyarihan. Sa akala ni Pedro lulubog na siya ngunit nilapitan siya ni Jesus, kinuha sa kamay, hinila, at pinasakay uli sa bangka. Ligtas na si Pedro. Naranasan mo din ba na parang lulubog ka na sa mga alon ng magulong mundo, ngunit biglang bumalik ang katahimikan? Huwag sana natin malimutan ang mga panahon kung kaylan sinagip tayo ng Panginoon. Kayang kaya ni Jesus na magbigay ng solusyon sa lahat ng mga problema kung sa kanya ang ating tiwala. Bakit bibilangin pa natin ang mga problema sa buhay? Ang bilangin sana, ang mga grasiyang dumarating.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020