Ebanghelyo: Mateo 15:21-28
Pagkaalis sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: “Paalisin mo na siya’t sigaw siya nang sigaw sa likod natin.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo. Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus: “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay
Mabuti na hindi nagtampo ang babaeng Cananea kay Jesus nang hindi siya kinibo at itinuring na maliit na aso. Minsan parang gusto nating magtampo sa kanya dahil nararamdaman natin na parang malayo sa atin ang Diyos. Pero mahal na mahal niya tayo, at ang akala mong pagkawala ng malasakit, sa totoo, pagsubok lang ng Diyos. Pagkakataon natin ito upang ipakita kung gaano kalaki ang ating pananalig. Ganun din ang nangyari sa senturion sa ibang kapitulo ng ebanghelyo. Hindi sumuko ang Romanong ito, ni ang babaeng Cananea sa kanilang paghingi kay Jesus, hindi lang sila pinagbigyan ng Panginoon, kundi pinuri pa sila sa harapan ng iba. Ano ang matagal mo nang hinihingi sa Panginoon? Ano pa ba ang pwede mong gawin para pagbigyan ka niya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020