Ebanghelyo: Mateo 14:22-36
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.”At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
May mga pagkakataon na parang may bagyong “signal number four” sa kapaligiran natin at sinasalpok ng malakas na alon ang Bangka ng ating buhay. Parang bulag tayong naglalakad habang sinusubukan nating pakinggan ang tinig ni Jesus at sa bawat hakbang, ating tinatanong: “Kung ikaw nga ang Panginoon, papuntahin mo ako sa iyo…” Kapag natatakot tayo at parang lulubog na, ang sigaw natin: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad inuunat ni Jesus ang kanyang kamay at hahawakan tayo. Ang karanasan ni Pedro sa dagat ay siya rin nating karanasan. Nang nasaksihan ni Pedro ang kapangyarihan ni Jesus, wala siyang ginawa kundi aminin ng buong pagpapakumbaba na siya nga ang Anak ng Diyos. Nagbibigay ka ba rin ng saksi sa kapangyarihan ni Jesus sa buhay mo at sa buhay ng iba?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020