Ebanghelyo: Juan 20:11-18
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
May mga magagandang bagay o pangyayari ang darating sa mga matiyagang naghihintay at naniniwala sa mga itinuro ni Jesus. Nagpapahiwatig na sa buhay natin kailangan nating maging matiyaga at umasa sa tulong at gabay ng Diyos. Tanging ang Diyos lamang ang siyang tumutupad sa kanyang ipinangako para sa atin, mga pangakong di napapako. Sa ebanghelyo ngayon, si Jesus ay ang siyang ipinangako ng Diyos upang magdala ng kaligtasan sa sanlibutan. Ang muling pagpapakita ni Jesus kay Magdalena ay tanda ng kanyang pagmamahal para sa lahat. Batid ni Jesus ang kahinaan ng bawat tao, na madali tayong panghinaan ng loob. Sa pagkawala ni Jesus nalumbay ang mga alagad, tila ang buhay nila ay nawalan ng saysay. Kaya nang nalaman nila na nabuhay si Jesus, silay nagalak sa tuwa na para bang di sila makapaniwala sapagkat ni minsan sa buhay nila ay di pa sila nakatagpo ng isang tao na namatay at muling nabuhay. Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay nakapagbigay sa kanila ng sapat na kadahilanan upang manalig ng buong puso at kaluluwa sa kanilang narinig kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020