Ebanghelyo: Mateo 26:14—27:66 (o Mateo 27:11-54)
Tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda pero hindi siya sumagot. Kaya sinabi sa kanya ni Pilato: “Naririnig mo ba ang marami nilang sakdal laban sa iyo?”Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador. May kaugalian sa Piyesta na pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilanggong gustuhin ng bayan. At may tanyag na bilanggo roon na nagngangalang Barabbas. Sa kanilang pagtitipon, nagtanong si Pilato: “Sino ang gusto ninyong pakawalan ko: si Barabbas o si Jesus na tinatawag na Kristo?” Alam nga niya na ipinadala nila sa kanya si Jesus dahil sa inggit. Habang nakaupo sa hukuman si Pilato, nagpasabi ang kanyang asawa: “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Labis akong pinahirapan ng panaginip ko kagabi dahil sa kanya.” Sinulsulan naman ng mga punong-pari at Matatanda ang mga tao para hingin si Barabbas at ipaligpit si Jesus. Kaya nang tanungin uli sila ng gobernador: “Sino sa kanila ang gusto ninyong palayain ko?”, sumagot sila: “Si Barabbas.” Tinanong sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” At nagsisagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!” Ipinilit ni Pilato: “Ano ang kanyang kasalanan?” Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon Salteryo: Hanay ng mga Panahon / (Pula) Slm 22:8-9, 17-18, 19-20, 23-24 Diyos ko! Diyos ko! Bakit naman ako’y iyong pinabayaan. Ngunit lalo nilang nilakasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!” Nakita ni Pilato na wala siyang magagawa at baka magkagulo pa ang mga tao. Kaya humingi siya ng tubig at naghugas ng kanyang kamay sa harap ng mga tao habang sinasabi: “Wala akong pananagutan sa kanyang dugo. Kayo ang mananagot.” At sumagot ang lahat: “Mabuhos nawa sa amin at sa aming mga anak ang kanyang dugo.” Kaya pinalaya ni Pilato si Barabbas ngunit ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus. At ipinasok si Jesus ng mga sundalo ng gobernador sa Pretorio o bulwagan, at tinawag ang buong hukbo sa paligid niya. Hinubaran nila siya at dinamitan ng kulay-pulang balabal. At pumilipit sila ng isang koronang tinik, ipinutong ito sa kanyang ulo at inilagay ang isang patpat sa kanyang kanang kamay. At saka sila lumuhod sa harap ni Jesus at nilibak siya sa pagsasabing: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Dinuraan nila siya, kinuha ang patpat sa kanyang kamay at inihampas ito sa kanyang ulo. Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus. Paglabas nila, may nasalubong sila na isang lalaking taga-Cirene na nagngangalang Simon, at pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. Pagkarating sa lugar na tinatawag na Golgota (o Kalbaryo) na ibig sabihi’y Lugar ng Bungo, pinainom nila siya ng alak na hinaluan ng apdo. Tinikman ito ni Jesus ngunit hindi niya ito ininom. Doon nila siya ipinako sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit. At saka sila naupo para bantayan siya. Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa. Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: “Aha! gigibain mo pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tatlong araw. Kaya iligtas mo ngayon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang Anak ng Diyos!” Pinagtawanan din siya ng mga punong-pari, mga Matatanda at mga guro ng Batas. Sinabi nila: “Nailigtas niya ang iba, at sarili niya’y di mailigtas! Bumaba ngayon ang Hari ng Israel mula sa krus at maniniwala kami sa kanya. Nagtiwala siya sa Diyos kaya iligtas siya nito kung mahal siya ng Diyos. Sinabi nga niyang: Ako ang Anak ng Diyos.” At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako. Mula tanghaling-tapat hanggang hapon, nagdilim ang buong lupain. Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabactani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tinatawag niya si Elias.” Tumakbo ang isa sa kanila, kumuha ng espongha, isinawsaw ito sa suka, inilagay sa patpat at pinainom siya. Sinabi naman ng iba: “Huwag, tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at pinayaon ang espiritu. Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo; nayanig din ang lupa at nabiyak ang mga bato. May mga libingang nabuksan at may mga nabuhay sa mga banal na yumao. Lumabas nga sila sa kanilang mga libingan matapos ang pagkabuhay ni Jesus, at pumasok sila sa Banal na Lunsod at napakita sa marami. Lubhang natakot ang kapitan at ang mga sundalong nagbabantay kay Jesus nang makita ang lindol at lahat ng nangyari, at sinabi nila: “Anak nga siya ng Diyos.”
Pagninilay
Ang dali nating makalimot. Kanina lamang tayo ay nagsisimba, nagpapasalamat at nagpupuri sa Diyos; ngunit makalipas lang ang ilang sandali, balik na tayo sa dati nating gawi ng pandaraya, pang-aapi at pang-aabuso sa kapwa. Maraming panahon din na isinusumbat natin sa Diyos ang mga bunga ng ating mga maling desisyon. Ayaw nating tumanggap ng pagkakamali. Tayo ang tama at mali ang Diyos. Sa Linggong ito, hayaan nating kumilos ang kamay ng Diyos sa ating buhay. “Ama, kung maaari, alisin mo sa akin ang kalis na ito. Ngunit huwag ang gusto ko ang masunod kundi ang sa iyo.” Dama ni Jesus ang ating mga pagdurusa kaya pinili niyang maging matatag sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa buhay natin, itinuturo ni Jesus ang tamang daan. Sa kanyang pagpapakasakit, ipinamalas niya na kaya rin nating sundin ang kalooban ng Ama sa sandaling humaharap tayo sa maraming pagsubok. Buong pananampalataya lamang nating banggitin, “Sundin ang loob mo, dito sa lupa para nang sa langit.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2020