Ebanghelyo: Marcos 6:34-44
Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita Niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa Siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal. Nang humahapon na, lumapit sa Kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras.”Paalisin mo sila nang makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila.” Ngunit sinabi Niya: “Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo.” At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.”
Kaya iniutos Niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu. Kinuha Niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa Kanyang mga alagad para ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati Niya ang dalawang isda. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
Pagninilay
Ang kawalang-pakikialam o “indifference” ay naghihiwalay sa atin mula sa ating pamilya, komunidad, at lipunan habang ang pakikiramay o “emphaty”ay ang pagkakaroon ng malasakit para sa ating pamilya, komunidad, at lipunan na humahantong upang gawin natin ang makabubuti para sa kapakanan ng iba. Ang kawalang-pakikialam ay lumilikha ng isang puwang habang ang pagbabahagi sa kapwa ay nagtatayo ng mga tulay ng pagkakaunawaan.“No one is too rich so as not to need anything and no one is too poor so as not to be able to share (PCP II). Matapos ang bagyong Yolanda, nakakatuwang makita ang napakaraming indibidwal, pamilya, at iba’t-ibang grupo at organisasyon na nagtatrabaho kasama ng mga ahensya ng gobyerno upang makatulong na mapagaan ang kondisyon ng mga biktima ng bagyo. Gayunman, batid natin na napakaraming tao pa rin sa ating paligid ang higit na nangangailangan ng pangekonomiya, sikolohikal, at espirituwal na tulong. Inaanyayahan tayo na dumamay sa ating mga kapatid na nagdurusa sa lahat ng oras.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020