Ebanghelyo: Juan 1:1-18*
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan Niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa Kanya’y walang anumang nayari. Ang Niyari ay sa Kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang Kanyang pangalan. Dumating Siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan Niya. Hindi Siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan Niya, at di naman Siya kinilala ng mundo. Sa sariling Kanya Siya dumating at hindi Siya tinanggap ng mga Kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa Kanya sa pananalig sa Kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga Niya sila na maging mga anak ng Diyos. (…) Nagpapatunay sa Kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y Siya na’.” Mula sa Kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat – oo, abutabot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahang-loob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama – ang nagpahayag sa Kanya.Pagninilay
Sa pagtatapos ng isang taon at sa pagsalubong sa panibagong simula, muli nating binabalikan ang Ebanghelyo na pinagnilayan natin noong Kapaskuhan. Isa itong pagpapaalala na ang Jesus na ating sinalubong ay Siya pa ring Panginoon na gagabay sa atin sa panibagong paglalakbay. Ang Bagong Taon na ating sasalubungin ay hindi taon ng kung ano pa mang mga hayop kundi Taon ng ating Panginoon. Hindi man natin nababatid ang kinabukasan at kung ano ang nakahain sa susunod na mga araw subalit nakatitiyak tayo na si Jesus ang Liwanag na siyang gagabay at tatanglaw sa ating mga daan. Ano mang pagsubok ang kakaharapin, may kasiguruhan tayong si Jesus ay sumasaatin, ang Panginoon na “itinayo ang Kanyang Tolda sa atin.” Sapat itong dahilan upang salubungin ang bagong taon ng may galak at pag-asa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019