Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel, na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng Kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng Kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na Siya at hindi Siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat Niya sa sandaling iyon, nagpuri rin Siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos Siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.Pagninilay
Sa pagtatakipsilim ng buhay ng isang tao, mas lubusan Niyang napapagtanto ang mas mahahalagang bagay na marapat ipagpasalamat at pabigyang papuri sa Diyos. Gaya ng propetesang si Ana na matagal na namamalagi sa templo upang sumamba sa Diyos. Ang masaksihan ang sanggol na si Jesus na matagal na nilang hinihintay ay sapat ng dahilan upang, gaya ng binanggit ni Simeon, sila ay maaari nang pumanaw. Sa nalalapit na pagtatapos ng taon, ano ang mga bagay na marapat nating ipagpasalamat at papurihan sa Panginoon? Sa loob ng isang taong paglalakbay sa buhay, patuloy ba tayong lumalago sa ating buhay pananampalataya katulad ni Ana? Dalangin nawa natin na gaya ng batang Jesus, tayo rin ay lumaki, lumakas, mapuspos ng karunungan at sumaatin ang kagandahang-loob ng Diyos.© Copyright Pang Araw-Araw 2019