Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ika-anim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa Kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa Kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila Siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa Kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng Kanyang ninunong si David. Maghahari Siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang Kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa Kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng Kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan Siya ng anghel.Pagninilay
Sa simula’t simula pa lamang ay inihanda na ang Mahal na Birheng Maria para sa isang dakilang tungkulin: “Maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus.” Puspos Siya ng grasya at sumasakanya ang Panginoon. Dalisay ang Kanyang puso at kalooban. Namumuhay Siya sa mapagpalang presensya ng Panginoon. At nang dumating na ang dakilang mensaheng dala ng anghel na si Gabriel, siya’y nagpaubaya at nagtiwala nang Kanyang bigkasin “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Maging si Maria ay natakot, nagulumihanan, nalito at may mga katanungan. Marahil ay hindi Niya lubos na naunawaan ang lahat. Subalit kung ang isang tao’y namumuhay at namamalagi sa kabanalan, paano Niya mahihindian ang Diyos? Paano natin mahihindian ang Diyos? Salamat Mahal na Birheng Maria sa pagsang-ayon sa “magandang niloob ng Diyos para sa iyo.© Copyright Pang Araw-Araw 2019