Ebanghelyo: Lc 19: 45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahaydalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!“ Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pagninilay
Tayong mga Pilipino ay malinis at masinop sa ating mga tahanan. At kung tayo naman ay bibisita at papasok sa tahanan ng iba, hinuhubad natin ang sapin natin sa paa sapagkat ayaw nating magdala ng dumi sa loob. Ito ay pagbibigay respeto at paggalang sa mga may-ari ng bahay. Gayun din naman, nawa’y ganito rin ang paggalang na dapat nating ipamalas at nararapat gawin kung tayo’y nasa loob ng Templo o Simbahan, ang Tahanan ng Diyos. Ang Simbahan ay bahay dalanginan kung saan nakikipagtagpo ang tao sa Diyos – dumudulog sa Diyos upang ipahayag ang ating pasasalamat, pagsamba at panalangin. May mga alituntuning dapat natin isaalang-alang habang tayo’y nasa loob ng pamamahay ng Diyos. Hindi makakasama kung susunod at makikinig sa mga patakarang pinatutupad. Ang pagbibihis ng naaayong kasuotan, pagmamasid ng katahimikan at hindi pagiingay, pagpapanatili ng kalinisan, at pakikibahagi sa mga selebrasyon at ritwal na isinasagawa. Kung tunay na minamahal at iginagalang natin ang Diyos, walang hindi tayong maaaring gawin upang maipamalas ito.
© Copyright Pang Araw – araw 2024